by Rowena Raganit
Nung bata pa ako, malinaw sa akin kung anong ibig sabihin ng Pasko.
“Birthday ni Jesus”, sabi ng papa ko sa akin noon. Eh bakit ako ang nakakatanggap ng regalo? “Dahil karamay tayo ni Jesus sa mga regalong natatanggap niya.” Dagdag pa ni papa.
Ah, kaya pala. Ang simple, hindi ba?
Nang lumaki na ‘ko, iba na para sa ‘kin, ang ibig sabihin ng Pasko: regalo para sa mga kapamilya, inaanak, kaibigan, kakilala; pagkain para sa Noche Buena; pera para sa mga namamasko; sa madaling salita… gastos.
Ang malala pa, inaasahan ko na rin ang mga matatanggap kong regalo at pera tuwing sasapit ang Pasko. Hindi dahil birthday ni Jesus, kungdi dahil dapat lang. Nagregalo ako, kaya dapat lang may matanggap din akong regalo. Gumastos ako para sa iba, kaya dapat lang gumastos din ang iba para sa ‘kin.
Pero ngayong lumalim na ang pananampalataya ko sa Diyos at muli kong pinagninilay-nilayan kung anong ibig sabihin ng Pasko, bumalik uli sa alaala ko ang mga sinabi sa akin noon ni papa.
“Birthday ni Jesus. At kaya tayo nakakatanggap ng regalo tuwing Pasko ay dahil karamay tayo ni Jesus sa mga regalong natatanggap n’ya.”
Ibinaba ni Hesus ang sarili upang maitaas tayo at maging karamay N’ya sa Kanyang Ama, karamay sa pagiging isang Anak ng Diyos, karamay sa lahat ng bagay. Mula sa pinakamasaya hanggang sa pinakamalungkot na sandali ng ating buhay karamay natin s’ya. Dahil alam n’ya kung pa’no maging isang tao. Ang sanggol na isinilang sa sabsaban at hinandugan ng mga regalo, nabuhay sa mundo, nagpahayag ng mabuting balita ay nakaranas ng pinakamalupit na uri ng kamatayan; ang pagpako sa krus.
Kaya naman, nagpapasalamat ako sa bawat araw na lumipas, malungkot man o masaya, dahil alam kong karamay ko s’ya. At kapag dumarating ang mga mabibigat na pagsubok ng buhay, alam ko na makakaya ko ‘yung malampasan dahil ng karamay kong si Hesus, nalampasan na ang pinakamabigat na pagsubok sa lahat.
Ngayong papalapit na uli ang Pasko, gusto kong ihandog sa kanya ang isang natatanging regalo, na sana’y ikasiya N’ya ng lubos. Ihahandog ko sa Kanya ang puso kong nalinis mula sa dumi ng kasalanan sa pamamagitan ng pangungumpisal dahil nais kong maging karapat-dapat na karamay ni Hesus.
< go to Better World newsletter read next:NewWays to Donate to Better World>
Filed under: Uncategorized




